By Raul C. Chavez, Teacher III, Santa Rosa NHS

Kikay, pulutan, mabuhay, tabo, yaya at marami pang iba. Ilan lamang ang mga ito sa daan-
daang wikang Filipino na napabilang sa English Oxford Dictionary. Patunay lamang na ang

wikang Filipino ay hindi na lamang basta umuunlad sa halip ay nakikilala na rin sa buong

mundo. Ang bansang Pilipinas ay nahahati sa mahigit pitong libong isla. Ang pagkakawatak-
watak marahil ng mga islang ito ang dahilan kung bakit maraming mga wika ang umusbong sa

bansang ito at itinuturing na multilinggwal at multikultural na bansa. Tulad ng ating kasaysayan,
ang wikang Filipino ay marami ring pinagdaanan. Ngunit sa panahong kasalukuyan, sa
kinahinatnan ng ating wikang pambansa ay tila iilan na lamang ang may pakialam. Ang
pagkakalathala ng daan-daang Filipinong salita sa English Oxford Dictionary ay pinagbubunyi
na lamang ng iilan. Pinagbubunyi ng mga iilang taong patuloy na tumitindig para ang ating wika
ay mapangalaagan. Kaya’t ang pag-unlad na tinatamasa’y pawang mga dalubhasa na lamang
sa wika ang nakararamdam.
Sinasabing ang taong nagmamahal at gumagamit sa kanilang sariling wika ay may dangal
sa sarili. Kung gayon, maituturing natin ang mga taong ginawang batayan ang paggamit ng
wikang Ingles sa pagiging intelektwalisado na walang dangal sa sarili. Isang masalimuot na
katotohanan na ilan sa mga kapwa nating mga Pilipino at dito pa mismo sa ating bakuran ang
tila nais nilang mapangibabawan tayo ng mga wikang kolonyal. Ito ang nakikita nilang tugon
upang maihanda umano ang mga mag-aaral sa kolehiyo sa propesyong kanilang tatahakin sa
hinaharap at magawang sumabay sa pandaigdigang kalakaran. Isa itong nakahihiyang tugon
sapagkat sa halip na itaas natin ang antas ng pagkatuto sa ating sariling wika bagay na dapat
pangunahan ng pamahalaan ay mas pinili nila itong ibaba. Hindi ikababagsak ng ating
ekonomiya ang patuloy na pagpapaunlad at pagpapayabong sa ating kinagisnang wika.
Kung magiging kaparehas lamang natin ng pilosopiya ang bansang Japan, Korea at China
na pangunahing pangangailangan bago tayo makapaghanapbuhay sa kanilang bansa ay dapat
nating matutunan ang kanilang wika. Gawin na lamang nating halimbawa ang wikang Ingles na
patuloy na namamayagpag hindi lamang sa mga bansang gumagamit nito kung hindi sa buong
mundo. Sa katunayan, ito ay ginagamit bilang international language sa buong mundo. Ito ang
natatanging dahilan kung kaya’t ito ay patuloy na umuunlad at yumayabong. Ito lamang ang
puhunan ng isang umuunlad na wika at para hindi ito matulad sa ibang wikang nangamatay na.
Isa pa sa dahilan kung bakit ang wikang Filipino ay nananatiling naluoy at namuril sa ating
sariling bansa sa bagong siglo ay ang paglipana ng mga makabagong teknolohiya. Kasabay ng

pag-usbong ng mga makabagong teknolohiya ay ang pagkawala ng ating makalumang mga
paraan ng pagsulat at pananalita. Kapansin-pansin sa mga kabataan ngayon ang hindi wastong
pagdedekowd ng mga titik ng isang salita gamit ang text, kadalasan ay kinakaltasan nila ito ng
ponema. Naiimpluwensiyahan ng kaparaanang ito maging ang pagsulat nila ng komposisyon sa
paaralan at tila nakakaligtaan ang wastong pagbabaybay gayundin ang wastong estilo at
gramatikang tinuran ng kanilang guro sa silid-aralan. Isa lamang itong batayan upang masabi
natin na karamihan sa mga kabataan ngayon ay hindi maalam pagdating sa paggamit ng wika.
Idagdag pa natin ang nagsulputang mga babasahin gamit ang iba’t ibang aplikasyon na
umusbong sa kasalukuyan partikular na ang Wattpad na kakikitaan ng hindi wastong balarila
ang ilan sa mga akdang nalimbag dito sa kadahilanang hindi sapat ang kasanayan ng karamihan
sa mga manunulat nito. Kumbaga sa isang bunga, bubot pa lamang. Malaki ang epekto nito sa
pagkatuto ng mga mag-aaral sa gramatika sapagkat marami sa mga babasahing ito ang hindi
sumusunod sa mga alituntuning panggramatika. Ilan pa sa mga ito ay gumagamit ng tinatawag
na “taglish” upang maunawaan lamang ito ng kanilang mga mambabasa. Hindi natin tinututulan
ang pagkakaroon ng bilinguwalismo sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas upang makasabay
tayo sa globalisasyon. Lalong hindi natin pinapatay ang wikang Ingles sa Pilipinas. Hindi
lamang natin hinahayaan na mas maging dominante ito kaysa sa wikang Filipino.
Kung ating iisipin, napakatibay ng pundasyon sa pagtataguyod ng wikang Filipino sa
Pilipinas sapagkat ito ay itinakda na ng batas. Ang kinakailangan na lamang nating gawin ay
paunlarin ito at patuloy na alagaan. Ang pangangalaga sa wikang Filipino ay hindi lamang
tungkulin ng mga dalubhasa sa wika bagkos ito ay tungkulin ng bawat Pilipino na siyang
gumagamit nito. Lagi nating iisipin ang kahalagahan ng ating pambansang wika hindi lamang
bilang natatanging sandata upang tayo at magkaunawaan bagkos bilang tagapangalaga ng ating
kultura gayundin nagsisilbing ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino. Dapat nating
tatandaan na ang kamatayan ng wika ay kamatayan ng kultura gayundin ang kamatayan ng wika
at kultura ay kawalan ng pagkakakilanlan ng isang bansa.
Bukod sa pagkakaroon natin ng matibay na pundasyon sa pagsulong ng ating pambansang
wika, matindi rin ang panghihikayat ng ating mga dalubhasa. Masugid nilang inaanyayahan ang
lahat ng mamamayan upang maging aktibo sa paggamit ng ating wikang pambansa upang
maging unang hakbang sa pagtaguyood nito. Ang pagiging aktibo nating mga Pilipino sa
pagagamit ng wikang Filipino ay ang siyang magbubukas sa ating sariling kahusayan sa ating
wika. Para sa mga guro, maraming mga palihan na maaari nating daluhan upang higit pang
mapagyaman ang kanilang mga kakayahan sa pagtuturo sa ating wika. Kung magagawa lamang
nating magtagumpay sa pagpapaunlad at pagsulong ng ating wikang Filipino sa ating bansa,

magagawa na rin nating makalaya mula sa mga wikang konyal at maituturing na rin natin ang
ating bansa na nagsasarili sa pagtuklas ng kaalaman gamit ang ating sariling wika.
Ngayon 2022, muli nating ibangon ang dangal ng ating wikang pambansa. Hindi pa huli
ang lahat. Marami pa tayong magagawa. Ordinaryong tao ka man, may maitutulong ka. Gamitin
lang ng gamitin at huwag ikakahiya. Sa sangay ng edukasyon, pahalagahan natin ang wikang
Filipino bilang isang asignatura. Kung may mga pagkukulang, maaari pang punan hanggat may
panahon pa. Mabuhay ang wikang Filipino! Mabuhay ang ating wikang pambansa!