By Raul C. Chavez, Teacher III, Santa Rosa NHS

Isa na marahil sa pinakamasalimuot na pangyayari na naganap sa kasaysayan ng
parehong pagtuturo at pag-aaral sa ika-21 siglo ay ang kinakaharap na pandemiyang Corona
Virus Disease (COVID-19). Binago ng pandemiyang naturan ang normal o dating
pamumuhay ng mga Pilipino. Isa sa pinaka-naapektuhan nito ay ang mga nasa sangay ng
edukasyon. Kaakibat nga ng sinasabing new normal ay ang pagbabago sa paraan ng pagtuturo
upang hindi maantala ang taong pampanuruan 2021-2022. Isang napakalaking hamon sa lahat
ng stakeholders’ ng isang paaralan ang nagbabadyang gawain at gampanin upang
maisakatuparan ang inaasahang paggamot sa kamangmangang taglay ng bansa. Sa
kasalukuyan, napakalaki ng gagampanang papel ng ICT upang magkaroon ng liwanag at
landasin ang edukasyon sa taong ito.
Ang Information and Communication Technology (ICT) ay tumutukoy sa mga kagamitan
at mga paraan o proseso sa pangangalap, pagsasaayos at pagpapadala ng mga impormasyon.
Sa kabila ng pagkakaroon natin ng makabagong teknolohiya para mapadali ang pag-aaral at
pagtuturo ng mga guro sa kanilang mga minamahal na mag-aaral, isang hamon pa rin sa isang
guro kung paano ito gagamitin lalo na sa pagtuturo ng panitikan. Sa tinatawag na new normal,
hindi biro ang kakaharapin ng mga tradisyunal na guro sa pagtuturo ng panitikan gamit ang
ICT sa kadahilanang ilan sa kanila ay hirap sumabay sa pagtuturo gamit ang kompyuter o
laptop dahil hindi ito kabilang sa kanilang nakasanayan.
Bilang pagyakap sa makabagong normal, isa sa kaparaanang nilatag ng Kagawaran ng
Edukasyon ang online class, upang maiwasan ang face-to-face sa paaralan na nakagawian na
noon pa man gayundin upang hindi maantala ang pag-aaral ng mga bata sa panahon ng
pandemiya. Katuwang ng paraang ito ang mga katanungan na; kung paano ito magiging
epektibo sa pagtuturo at pagkakatuto sa panitikan o sa iba pang larang. Alinsunod rito, paano
ba dapat ituro ang panitikan gamit ang iba’t ibang teknolohiya?
Malaki ang maitutulong ng ICT sa pagtuturo ng panitikan lalo na sa mga mag-aaral. Sa
pamamagitan nito, maaaring mapukaw nito ang interes ng mga mag-aaral upang maging
aktibo sa pagkatuto. Bagamat binago ng new normal ang mga gampanin ng isang guro sa
panahon ng pandemiya maging ang learning environment ng mga mag-aaral, patuloy pa rin

ang mga guro sa pagdevelop ng mga posibleng epektibong estratehiya gamit ang ICT sa
pagtuturo at pagkatuto ng mga mag-aaral.
Bilang tagapagdaloy, may ilang mungkahing gawain ng mga guro sa paghahanda sa
pagtuturo ng panitikan gamit ang ICT: Una, ang paghahanda, napakahalaga sa isang guro ang
kahandaan bago ito magturo. Maliban sa paghahanda sa mga banghay aralin, mabuting
ihanda rin ang website o mga programs sa kompyuter na maaaring kailanganin sa pagtuturo
ng panitikan. Minarapat na isama sa paghahanda ito upang sa gayon ay mas magiging madali
ang paghahanap ng mga impormasyon anumang oras ito kailanganin. Ikalawa, ang paggamit
ng mga makabagong mga teknolohiya upang maaliw ang mga mag-aaral sa pag-aaral ng
panitikan, maaaring gumamit ang isang guro ng mga materyales na bago sa kanila (online
applications). Baguhin ang tradisyunal na pamamamaraan kung saan ang mga mag-aaral ay
pinababasa lamang. Ikatlo, ang pagpapalikha ng repleksiyon sa mga mag-aaral. Ito ay
isasagawa matapos ang kanilang gawain gamit ang ICT, panonood man o pakikinig,
hikayatin ang mga mag-aaral na gumawa ng kanilang repleksiyon at maaaring ipabasa sa
kanilang mag-aaral bilang isang pangkat upang magkaroon ng kolaborasyon sa pagitan ng
mga mag-aaral. Sa pamamagitan ng kolaborasyon ng mga mag-aaral, malalaman nila kaagad
kung natamo ba nila ang layunin ng pag-aaral sa isang espesipikong aralin. At panghuli, ang
pagkakaroon ng interaktibo at kolaboratibo, isa sa pinakamahalagang at pinaka-epektibong
estratehiya sa pagtuturo ang paggamit nito sa loob ng silid-aralan. Ito rin ang isa sa
pinakamalaking hamon sa pagtuturo ng panitikan gamit ang ICT sa ilalim ng new normal.
Maisasagawa ang interaktibong talakayan sa pamamagitan ng video conferencing
samantalang ang kolaboratibong pagtuturo naman ay pinakamabisang gawin sa online
application tulad ng google classroom.
Bilang isang gurong kabilang sa pilit na pagyakap sa binagong pamamaraan bilang
pagtugon sa new normal, ang ilang estratehiya sa pagtuturo ng panitikan na kinakailangan ng
kaagapay ng ICT upang lubos na maunawaan at ma-engganyo ang mga mag-aaral.
Ang pag-unawa sa panitikan ay hindi madaling gawain kung kaya naman napakahalaga
ng gampanin ng isang mabisang guro sa pagtuturo nito.
May ilang tungkulin na dapat gawing sentro ng mga guro sa panitikan sa paghahanda ng
kanilang mga aralin upang matamo ang pagkatuto ng mga mag-aaral: Una, turuang mag-isip
ang mag-aaral. Ang pagkatuto ay hindi lamang mag-isang binabalikat ng mga guro. Sa halip
na isubo ang lahat ng dapat nilang malaman ay mas nararapat na turuan silang palawakin ang
kanilang kaisipan. Magagawa ito kung bibigyan ng mga gawaing may kinalaman sa
pananaliksik. Sa pananaliksik, pinakabilis na paraan ang paggamit ng kompyuter, selpon at

internet. Sa puntong ito, dapat maunawaan ng mga mag-aaral na hindi lang sila magbabasa
ng mga teksto bagkus ay dapat din nila itong unawain. Ikalawa, turuang matuto ang mga
mag-aaral. Ang pagtuturong nakapokus sa mag-aaral ay isa sa pinakaginagamit na paraan sa
pagtuturo sa panahong ito. Gamitin ang kakayahan ng mga mag-aaral sa pananaliksik at
husay sa paggamit ng mga gadget na maaaring makatulong sa kanilang pagkatuto. Ang lagi
lamang isaalang-alang ng guro ay dapat laging malinaw sa mga mag-aaral ang kanilang mga
gawain nang sa gayon maging madali para sa kanila ang paghikayat sa pagtuklas ng mga
bagong kaalaman. Panghuli, turuang gumawa ang mga mag-aaral. Sa pagbubuo ng
banghay-aralin sa pagtuturo ng panitikan, nararapat na isangkot ang mga mag-aaral upang
maging aktibo sila habang isinasagawa ang pagtuturo. Maaaring magbigay ng mga gawaing
pampaaralan tulad ng video, blog, at iba pa na may kinalaman sa panitikan.
Wari isang pluma ang mga guro at malinis na papel ang mga mag-aaral. Ang pluma ang
siyang susulat ng mga tunguhin upang magkaroon ng makabuluhang nilalaman ang papel na
tinuran. Bilang isang gurong nagtuturo ng asignaturang Filipino na nagnanais bigyang-halaga
ang panitikang pamana pa ng ating mga ninuno, ang integrasyon ng ICT sa pagtuturo nito ang
siyang magsisilbing ilaw sa karimlan.