By Ronel S. Franco, Master Teacher I, San Vicente ES

Bukas, bago pa sumikat ang araw…
Mula sa mga luntiang palayan, natatanaw ko siya. Malayo man pero ramdam ko
ang hirap na kanyang pinagdaraanan. Mula sa mga mapuputing buhok nito hanggang
sa kanyang mga kulubot na mga balat. Mga ngiting alam mong bakas ang pagod pero
pilit ikinukubli ng kanyang mga mapupungay na mata. Sa bawat pagsilay ng sikat ng
araw at pagyapos ng sariwang hangin sa mukha niya pipilitin ko. Pipilitin kong iahon ang
kanyang mga paang naninilaw na sa kalawang ng putik. Pipilitin kong mahawakan ng
kanyang mga kalyadong kamay ang ginhawa ng buhay. Ako si Angelo nasa ika-limang
baitang pero sa edad kong labinglima, mas malabo pa ata sa kulay ng putik ng pinitak
na minsan isang araw maiaalis ko si ama sa ganitong sitwasyon.
Tila kasabay ng pagputok ng pandemya ay kasabay na din ng pagtigil ng lahat.
Tumigil ang mga pangarap na sana kahit sa palagay ko ay mahirap mangyari ay lalo
pang pinapatunayan na walang lugar sa gaya ko ang maaliwalas na bukas. Dahil ayon
sa huling mga tala sa Philippine Statistics Authority (PSA) hingil sa kahirapan ng bansa
tinatayang sa unang bahagi ng taong 2021ay nasa 26.1 milyong mga Pilipino o 24
porsyento (24%) ang sinasabing kabilang sa mahihirap na kung ikukumpara sa datos
noong 2018 ay mas tumaas ito ng 3.88 milyong mga Pilipino. Dahil na din sa hirap ng
paggalaw, tila nakalimutan nadin ang gaya naming malayo sa kanayunan. Mahirap din
ang daan patungo sa edukasyon. Nakakalungkot isipin na sa mga salitang “walang
maiiwan” ay magmumukhang malayo ang distansya para kami ay makasabay.
Distansyang unti-unting nagdikta upang ang gaya kong minsan nangarap ay tila
mawawalan na ng pag-asa.
Sino nga ba ang hindi nakaranas sa hagupit ng pandemya? Hagupit na
naramdaman natin sa iba’t-ibang paraan. May mga nawalan ng trabaho, nawalan ng
mahal sa buhay at gaya ko nawalan ng pagkakataon. Pagkakataon na sana ito na
magpapatigil sa araw-araw na pagpapastol ng kalabaw at pagbibilad sa tindi ng sikat
ng araw at ulan sa pakikipagtanim ng palay. Minsan mapapaisip ka na lamang, sadyang
hindi ata sumusunod ang tadhana kung paano ko ito gustong umikot at sa kung paano
sana ito papabor sa isang tulad ko.
Nakakalungkot isipin na halos padapain kami ng pandemya. Dahil mula pa lamang
nang naisabatas ang Rice Tarrification Law (RTL) na naglalayon sanang maiangat ang
buhay at kalagayan ng mga tulad naming magsasaka ay tila kabaligtaran nito ang
aming kinahinatnan. Dahil ayon sa Department of Agriculture ay naglalaro dapat sana sa
P18 pataas kada kilo nito ngunit dito sa Nueva Ecija na tinaguriang Kamalig ng Bigas o
Rice Granary ay walang nakakapagbenta ng higit sa P14 kada kilo. Ngunit ang mas
masaklap pa rito kapag kami ang bumili ng bikas nasa P40 hanggang P50 ang kada kilo
nito. Bagay na lalong hinahatak paibaba ang kagaya naming nasa laylayan.
Paano ko nga ba dapat simulan? Paano ko na nga ba susundan? Mga tanong na
paulit-ulit at pabalik-balik na sa aking isip ay tumatakbo.

Tuyo at uhaw na ang lupang aming sinasaka mula nang itigil ni ama ang
pagsasaka ng palay rito. Napakahirap nang taniman ng mga pangarap ang lupang di
naman namin pag-aari dahil kami’y anak lamang ng mga nakikipagsaka. Sa mga oras
na ito wala akong magagapas na kahit anong anino ng bagong umaga. Ni hindi ko din
nasisilayan na may bukas pa bang naghihintay para sa amin. Hindi ko man lang marinig
ang mga huni ng ibon na aking itinataboy sa t’wing paparating na ang pag-ani. Di
kagaya mo ay malaya mong naipagpapatuloy ang iyong mga pangarap. Sana sa oras
na naririnig mo ang lungkot ko ay maisip mo na sa kahit anong pagkakataon ang
edukasyon ang tanging susi sa magandang pagkakataon.
Ito na nga ba ang magandang pagkakataon? Dahil makalipas ang mahigit sa
dalawang taon ay narinig ko ang isang magandang balita. Oo, nakabalik na ang
karamihan sa limited face to face learning na kung saan pinapayagan na ng Department
of Education o DepEd ang pagbubukas ng klase. Kasabay din nito ay nagtungo sa aming
lugar ang isang guro ng Alternative Learning System o ALS na kung saan ang mga kagaya
kong out of school youth ay maaari ng magpatala sa susunod na panuruan upang
maipagpatuloy ang aming pag-aaral.
Oo, hindi pa huli ang lahat. Dahil may bukas pa.
Kaya bukas bago pa sumikat ang araw at bago pa humalik ang mga sinag nito sa
kalupaan ay unti-unti ko ng bubungkalin ang mga bagay na inakala kong ipinagkait sa
akin. Sisimulan ko ng aararuhin ang mga pagkakataon naging mailap sa akin. Muling
itatanim ang mga pangarap na sa tingin ko ay mag-aalis at magpapapawi sa mga
paang nakababad sa kalawang ng putik kay ama. Nang sa gayon ay aming aanihin ang
matamis na balang araw kasama ka. Dahil higit kailan man sa pag-usad na mga araw
dapat walang maiiwan.