By Shaira Luna H. Pabalan, Teacher III, Mambangnan NHS

Itinakda ka. Ang sabi nila, kayamanan ka. Ikaw ang solusyon. Ikaw ang
tanging daan. Binilang ko ang mga araw na tumapak ako sa bubog ng
kahirapan. Kinabisa ko ang mga pariralang nangungutya, paulit-ulit hanggang
sa magdugo ang sandata kong lapis para sa mga pangarap at ambisyon. Sa
gabi, binabasa ko ang bawat pulang marka, ipinagmamalaki kung mataas,
iniiyakan kung mababa dahil sa takot na baka sa pagbagsak ay ipagkait ako.
Pinilit kong lunukin ang bawat kaalamang inakala kong balang-araw ay
bubusog sa kumakalam kong sikmura. Iginapang ko ang pag-aaral gamit ang
lapis at papel habang sa labas ng bahay ay iginapang ako ng aking magulang
gamit ang dugo at pawis. Ngayon, isa na akong guro na lumulunok ng bubog
mula sa kabi-kabilang batikos mula sa mga magulang, mga mag-aaral, at mga
taong nagkukumpulan sa kanto.
“Sorry Ma’am, hindi po ako makapapasok ngayon dahil mahina po ang
internet connection namin.”
Nang magsimula ang taong panuruan ay nakapasan sa aking balikat
ang napakabigat na responsabilidad subalit hindi ko lubos akalain na magiging
kasalanan ko ang lahat. Naging kasalanan ko ang mahinang data at internet
connection sa bawat bahay. Kasalanan ko pa rin kung hindi sila makapag-join
sa klase. Nag-facebook, nag-upload sa Instagram, nagsayaw sa Tiktok subalit
hindi nakapasok sa klase – kasalanan ko pa rin ba iyon?
“Sorry Ma’am, hindi po ako makapapasok ngayon — wala po kasing
perang pan-load.”

Namulat ako na sa bawat padyak ng traysikel, bawat kusot ng labada, at
bawat ugong ng makina ay may magulang na nagnanais maiahon ang anak

sa hirap. Ito ang mga bagay na hindi batid ng kabataan. Nagbubulag-
bulagan sa katotohanang ang buhay ay hindi katulad ng kay Cinderella na

kapag nakaiwan ng sapatos sa handaan ay magiging prinsesa na
kinabukasan. Malayo ito sa realidad ng buhay kung saan isusubo na lamang
ng magulang ay ibibigay pa sa anak. Ang perang nakalaan upang ipambili ng
bigas ay ilalaan sa pagpapa-load upang maiangat ang anak mula sa laylayan.

Naisaad sa pag-aaral ni McQuaide (2009) pangkaraniwan sa mga taga-
Nayon walang kasapatang pangpinansyal na lubhang nakakaapekto sa

pangangailangan pang-edukasyon. Malaki ang gampanin ng pondo sa
pamumuhay at edukasyon na kung ito ay salat isang malaking hadlang ito sa
paglaganap ng edukasyon sa mga komunidad sa kanayunan. Dagdag pa ni
Chimbololo (2010), malaki ang epekto ng pagkakaroon ng problemang
pinansyal sa Distance Learning.
“Sorry Ma’am, hindi ko po ihahatid ang module bukas.”
Pilit kong binibigyang-hustisya ang pagtuturo. Nagbigay ng talino at
panahon upang matugunan ang mga kinakailangan. Subalit sa bawat
pagdaan sa kanto ay maririnig kong sumusuweldo ako gayong wala naman
akong ginagawa. “Kasuwerte ng mga guro na iyan”! Nagpapamigay lang ng
module pero ang laki ng suweldo. Nararapat na sa mga magulang mapunta
ang sweldo nila.” Bakit walang nakaririnig ng mga hinaing? Bakit walang
nakapupuna? Mananatili na lamang bang bulong ang mga hinaing? Sa likod
ng bawat modyul ay nagkukubli ang kuwento ng isang gurong nagpapaaral
ng kapatid, nagbabayad ng inutang sa pagpapagawa ng bahay, at
naghahangad magkaroon ng sariling pamilya subalit kailangang unahin ang
kakainin ng magulang at kapatid.
“Sorry Ma’am, hindi na po ako mag-aaral.”

Pinilit ko pa ring lunukin ang bawat puna mula sa mag-aaral, magulang,
at mga tao sa kanto. Sinabi kong magiging kayamanan ka, na ikaw ang
solusyon, ikaw ang tanging daan tulad ng ipinangako nila sa akin bago ako
maging guro. Inihain ko ang mga kaalamang bubusog sa kumakalam mong
sikmura. Tinulungan kitang gumapang gamit ang lapis at papel habang sa
labas ay iginapang ka ng iyong magulang gamit ang dugo at pawis.
Ipinangako ka para sa isang magandang kinabukasan, ngunit tulad ng isang
pangako, pinili mo ang mapako. At sa huli, ako na iyong guro, ang sinasabing
may kasalanan ng lahat ng ito.
Sa madaling salita, ang mga mag-aaral na nasa konteksto ng isang
komunidad na salat sa pamumuhay ay nahaharap sa isang malaking hamon
sa kalagayan sa tahanan at kapaligiran ng paaralan. Ang mga mag-aaral sa
isang komunidad na salat sa pamumuhay ay nararapat na mabigyang kalinga
at suporta upang ang kanilang mga pangarap at pag-asa sa hinaharap ay
maaari silang lumayo sa kanilang kasalukuyang konteksto. (Omidire, 2020)