By Raul C. Chavez, Teacher III, Santa Rosa NHS
Wika, kultura…kultura, wika. Dalawang konsepto na kapag ang isa ay nawala, parehas na
silang mawawalan ng saysay. Sa madaling sabi, ang wika at kultura ay magkakambal,
magkatuwang o magkabuhol na konsepto. Wari sibat at palasong hindi dapat mawalay sa isa’t isa
dahil mawawalan ng silbi ang isang bahagi nito kung hindi katuwang ang isa pa. Napakalawak
na usapin ang parehas na konseptong nasambit. Ngunit saang anggulo man natin pag-usapan, iisa
lamang ang ugnayan ng mga ito. Ugnayang ang wika ay sinasalamin ng ating kultura. Masasabing
ang bansang walang wika ay wala ring kultura. Sa isang bansang hinati-hati ng napakaraming
isla, tiyak rin ang maraming pinaiiral na wika at kultura. Kulturang siyang naging pundasyon
upang makilala ang isang bansa. Siya ring sandata upang tumatak sa puso’t isipan ng isang
dayuhan. Sa katunayan, ang Pilipinas ay may tinatayang 183 na wika. Ang bansang
multilingguwal ay nagtataglay rin ng katangiang multikultural. Para lalong maunawaan ang
dalawang konseptong ito, nararapat lamang na malaman muna natin kung ano ang mga kahulugan
nito at paano nito sinasalamin ang isa’t isa.
Sa bawat araw na tayo ay nabubuhay, hindi maikakaila na hindi natin kailanman
maihihiwalay ang wika sa ating katawan. Bahagi na ito ng ating buhay. Bahaging nagsisilbing
tulay upang magpatuloy tayo sa mga bagay na ginagawa natin sa araw-araw. Ni sa hinagap ay
hindi naiisip ng mga pangkaraniwang mamamayan ang kapangyarihan ng isang wika. Basta’t ang
nalalaman lamang nila ay ito ang ginagamit upang mag-usap ang dalawa o higit pang tao. Sa
katunayan, may katotohanan ito sapagkat ito lamang ang paraan upang ang bawat isa ay
magkaunawaan. Subalit kung ito ay pagtutuunan nila ng pansin ay saka lamang nila malalaman
ang hiwagang kaakibat ng isang wika lalo na kapag isinama pa ang malalimang pagtuklas sa
ugnayan ng wika at kultura. Hindi makukumpleto ang konsepto ng komunikasyon kung wala ang
mga ito. Samakatuwid, napakalaki ng gampanin ng wika hindi lamang sa ating kultura kundi
maging sa ating pang-araw-araw na pamumuhay sapagkat ito ang ating pangunahing daluyan
upang mapagbuklod-buklod tayo bilang iisa sa pamamagitan ng pasalita o pasulat na paraan ng
pakikipagtalastasan.
Ang kultura ay may ugnayan sa pamumuhay ng mga tao sa isang lipunan. Ang mga ugnayang
pamumuhay na ito ay tumutukoy sa mga tradisyon, kaugalian at paniniwala ng mga tao sa isang
partikular na lugar. Kung gayon, ang pinakakolektibong katangian ng isang kultura ay ang
tradisyon, kaugalian at paniniwala. Kabilang din sa mga katangian ng isang kultura ang pagkain,
sining at musika ng isang lugar. Kasabay nang mabilis na pagbabago ng panahon ang patuloy na
pag-unlad ng sibilisasyon sa ating bansa, at ang katotohanan na ang lahat ng katangiang ito ay
maaaring maglaho sa paglipas ng panahon kung hindi mapangangalagaan at mapayayabong.
Upang mapanatiling buhay ang mga katangiang ito, kinakailangang mas paigtingin ang paggamit
ng bernakular na wikang umiiral dito sa ating bansa – Pilipinas.
Bawat rehiyon dito sa Pilipinas ay may iba’t ibang kultura at ang iba’t ibang kultura ito ay
pinangangalagaan din ng iba’t ibang wika. Ang mga wikang ito ay tinatawag na wikang
pangrehiyon o bernakular na wika. Ito ay mga katutubong wika na ginagamit sa isang
ispesipikong rehiyon, probinsya, o tribo. Upang madaling maunawaan, ang bernakular na wika
ay kinikilala ring Inang Wika o Mother Tongue. Higit na nauuna natin itong natututunan kaysa
sa ating wikang pambansa sa kadahilanang ang ating bansa ay maraming kapuluaan at halos lahat
ng ito ay may kanya-kanyang bernakular. Ito rin ang pinakatiyak na repleksyon o salamin ng ating
kultura. Sa pamamagitan ng paggamit nito, nagagawa nating palitawin ang ugnayan ng wika at
kultura sapagkat ang bernakular na wika ay ginagamit araw-araw sa isang tiyak na lugar.
Kung ating iisipin, malaki ang magagawa ng bernakular na wika sa mundo ng pagsasalin
wika upang wakasan na ang tuluyang panghihiram sa mga wikang banyaga. Sa pamamagitan nito,
maituturing na nating istandardisado ang wikang Filipino sapagkat ito ay magiging puro. Bukod
pa sa tuluyan na nating maiwawaksi ang panghihiram ng mga kolonyal na wika ay magagawa pa
nitong palutangin ang iba’t ibang mga kultura na bumabalot sa isang wika. Bagamat sinasabi
nating hindi ito madaling proseso pero kung gugustuhin ng pamahalaan ay matututunan din natin
ito sa paglipas ng panahon. Ito ay maisasakatuparan sa pakikipagtulungan ng mga paaralan, mga
manunulat at ang mismong pamahalaan upang gamitin ang bernakular na wika sa pag-aaral at
pagtuturo sa mga mag-aaral. Gayundin ang paggamit ng mga ito sa alinmang mga liham sa
pakikipag-ugnayan sa mga tanggapan sa pamahalaan. Hindi mahalaga kung mabagal o mahirap
ang proseso. Ang mahalaga ay ang ating mithiing yumabong ang bawat wika sa ating bansa at
mapanatiling buhay ang ating kultura.
Malaki ang gampanin ng bernakular na wika upang magkaroon tayo ng nananatili at buhay
na kultura. Ito rin ang tumatayong imbakan o ipunan ng kultura ng ating bansa. Bukod pa rito,
malaki rin ang ginagampanang papel ng bernakular o katutubong wika sa pagkakaroon ng isang
istandardisadong wikang pambansa. Maaari nating gamitin ang mga katutubong wika upang
isalin sa purong Filipino ang mga salitang hiniram natin sa salitang Kastila. Huwag nating
ipagsawalang-bahala ang paggamit ng katutubong wika sa ating bansa bagkos gamitin natin ito
sa pagpapayaman at pagpapaunlad ng ating wikang pambansa. Hindi kailangang maisantabi ang
mga katutubong wika sapagkat ang ating mga katutubong wika ang siyang mangangalaga sa ating
wikang pambansa gayundin sa kultura na siyang kaluluwa at pagkakakilanlan ng ating Inang
Bayan. Kaya ganoon na lamang ang panawagan ng mga taong totoong nagmamahal sa ating wika
at kultura. Walang ibang mangangalaga nito kung hindi tayo na mga Pilipino. Panatilihin nating
magkabuklod ang dalawang konsepto na ito sapagkat ito ay tunay na mga salamin ng ating pagka-
Pilipino. Salaming magsisilbing repleksyon ng tatlong bituing masisilayan sa ating watawat na
sumisimbolo sa katangi-tanging pag-uugaling taglay ng mga mamamayang Pilipino. Salaming
magsisilbing tatak din natin saan mang panig ng mundo.