Bernard C. Ramos
Teacher II

Matapos ang makasaysayang halalang pang barangay at Sangguniang kabataan noong ika-14 ng Mayo 2018, muli na namang binigyang diin  ang kahalagahan ng partisipasyon ng kabataan sa Pamahalaan. Makalipas ang limang taon na wala tayong halal na opisyal ng Sangguniang kabataan, matapos itong suspindihin sa bisa ng Batas Republika Blg. 10632 at Batas Republika  Blg.10656 na nilagdaan at isinabatas ni Pangulong Benigno S. Aquino III noong  Oktubre, 2013. Ito ay bunsod ng mga isyung bumabalot sa Sangguniang Kabataan. Sa isang artikulo na nailimbag ng Rappler na may pamagat na  “What is New in Sangguniang Kabataan?” tinalakay ang mga sumusunod na isyu. Ayon sa naturang  artikulo nepotismo, korapsyon, at mga kwestiyon sa kakayahan ng mga opisyal ng SK na pumasok sa isang kontrata ang dahilan kung bakit pansamantalang inihinto ang paghahalal ng mga bago nitong opisyal matapos ang termino ng mga huling halal na opisyal. Naging butas din ang kabiguan ng mga opisyal ng SK na buuin ang Katipunan ng Kabataan na ipinag-uutos ng batas; madalas na pagliban ng mga opisyal sa mga pulong at kakulangan sa pagpapahayag ng malinaw ng mga transaksyong pampinansyal. Naging kapuna-puna din na ang mga naging programa at proyekto ng SK ay hindi tuloy- tuloy, may mahinang epekto sa komunidad at kadalasa’y nakatuon sa publisidad.   

Bunga nito naisabatas ang Batas Republika Blg.10742 na mas kilala bilang Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015. Layon ng batas na ito na balangkasin ang reporma sa SK at lumikha ng mekanismong magbibigay daan sa makabuluhang partisipasyon ng mga kabataan sa pagpapatatag ng bansa. Sa ilalim ng batas na ito tinaasan ang edad ng maaring kumandidato bilang opisyal ng SK mula 15 hanggang 18 taong gulang ginawa itong 18 hanggang  24 na taong gulang. Maging ang edad ng maaring bumoto ay binago din mula 15 hanggang 18 taong gulang ginawa itong 15 hanggang 30 taong gulang. Ito ay sa paniniwalang sa edad na ito ay mas may kakayahan na silang magpalakad ng samahan at magpasya ng may kalayaan sa impluwensya ng iba.

Sa mga binangit na datos makikitang maaaring magkaroon ng malaking partisipasyon ang paaralan sa paghahanda ng mga kabataang mamumuno sa ating bansa. Lalo pa at batay sa edad ng maaring tumakbo sa nasabing halalan, ay pasok sa edad ng mga nasa Senior High School hanggang kolehiyo. Ang asignaturang angkop  upang  hubugin ang mga kabataang lider ng ating bansa  ay ang Philippine Politics and Governance. Sa kolehiyo ang asignaturang ito ay mandatoryong kunin ng lahat ng mag-aaral anuman ang kanilang kurso, subalit  sa Senior High School ito ay isang espesyalisadong asignatura na kinukuha lamang ng mga magaaral ng Humanities and Social Sciences(HUMSS) at General Academic Strand (GAS).

 

               Sa kanyang panayam noong ika 7 ng Pebrero 2020, sa pagdiriwang ng araw ng konstitusyon kinilala ni Kalihim Briones ang kahalagahan ng pagtuturo ng konstitusyon sa murang edad pa lamang ng mga mag-aaral upang maikintal sa kanilang isipan ang kahalagahan ng pagmamahal sa bayan at pagkakaroon ng diplina. Ayon sa kalihim dapat lamang na maging mulat ang mga kabataan sa probisyon ng konstitusyon upang malaman nila ang kanilang obligasyon gayon din ang mga bagay na ‘di nila dapat gawin.

Sadyang napakahalaga ng asignaturang ito upang maintindihan ng isang indibidwal kung ano ba ang tunay na kahulugan ng politika? Anu- ano ba ang proseso ng pamamalakad ng pamahalaan? Paano bang mamahala at mamuno ng tama? Tinatalakay din nito ang  konsepto ng pamahalaang lokal. Iminumulat  nito ang mga magaaral hindi lamang kung paanong mamuno  kundi kung paanong maging isang responsableng mamamayan. Kaya lamang kung ito ay isang espesyalisadong asignatura lamang  para sa mga magaaral ng HUMSS at GAS, paano itong matututunan ng mga mag-aaral na nasa ibang larangan? Kailangang isaalang alang na hindi lahat ng kumakandidato sa SK ay mula sa dalawang nabanggit na strand. Dagdag pa dito hindi rin lahat sila ay nakarating ng kolehiyo.Kung kayat masasabi kong sadyang napapanahon kung gagawing core subject ang naturang asignatura sa Senior High School.

Ang paaralan ay punlaan o tagahubog hindi lamang ng mga susunod na propesyunal, mga skilled workers, mga entreprenyur kundi maging ng mga susunod na lider at higit sa lahat ay mga mamamayang anuman ang maging katayuan sa buhay ay may diwang makatao at makabayan. Kung kayat nararapat lamang na sila ay imulat sa politika at gobernansya ng ating bayan. Ipaunawa sa kanila habang sila’y bahagi pa ng basikong edukasyon na mas abot kamay ng higit na nakararami, na kahit sa murang edad sila ay may malaking maiaambag sa kanilang komunidad at sa bansa. Lalo na kung sila ay nangangarap na mamuno at mamahala na may layon na maglingkod ng tapat.

Sa kasalukuyan nagbibigay ng mandatoryong pagsasanay ang Department of Interior and Local Government (DILG)sa lahat ng halal na opisyal ng SK. Ito ay isang magandang  panimula ngunit naniniwala akong hindi nito matutumbasan ang kaalamang makukuha o matututunan  ng isang mag-aaral sa isang semester ng pag-aaral. Maari ring isaalang-alang ang paglalagay ng partikular na kabanata sa naturang asignatura na ang tatalakayin ay ang SK. Kagaya nga ng lagi nating binabanggit na popular na linya ni Nelson Mandela, “ Edukasyon ang pinakamakapangyarihang sandata na maaari nating gamitin upang baguhin ang mundo.”