Bernard Castillo Ramos
Teacher III

Noong pumasok  ang taong panuruan 2018-2019, ang lahat ng tagapamuno ng paaralan at mga koordineytor ng RPMS ay nagkaroon ng pagsasanay hinggil sa mga pagbabagong magaganap sa pagmamarka sa “performance” ng isang guro. Pagkatapos ng naturang pagsasanay ay agad itong  tinalakay sa mga guro sa pamamagitan ng isang In service training- Echoe Seminar. Sa ginanap na pagsasanay, kapansin-pansin na binigyang diin ng mga awtor ng bagong kagamitan sa pagmamarka ang paraan ng pagpaplano at pagtuturo ng aralin ng mga guro. Sa tatlong Key Results Area (KRA) ng bagong RPMS lumalabas na plano ng aralin at obserbasyon sa pagtuturo ng guro ang magsisilbing katibayan ng kanyang husay at galing. Kung susuriin ang naturang kagamitan sa pagmamarka, kapuna-punang ang pinakatampok na hinahanap ay kung paano maisasagawa ng guro ang integrasyong interdisiplinaryo. Dalawang taong ginamit ang pamantayang ito hanggang sa dumating ang isang napakalaking hamon at pagbabago sa sistema ng na Edukasyon at ito ay dulot ng pandemyang kinkaharap ng buong mundo ang Covid 19. Matapos na matagumpay na maalpasan ng Kagawaran ng Edukasyon ang mapanubok na unang kwarter ng taong panuruang 2020-2021, inilabas ang Dep.Ed order bilang 11 serye ng 2020. Kautusang pangkagawaran na naglatag ng panibagong  pamantayan sa pagsusuri ng “performance” ng isang guro na angkop sa ating kasalukuyang sitwasyon. Sa kautusang ito kapansin pansin na sa larangang ng sining at agham ng pagtuturo numero uno paring hinahanap ang integrasyong interdesiplinaryo.

Ano nga ba ang integrasyong interdisiplinaryo? Ito ay tumutukoy sa pag-uugnay ng isang paksang aralin sa iba pang asignatura o disiplina o pagtalakay ng isang paksa sa perspektibo ng ibat- ibang disiplina. Samakatuwid, dalawang estratehiya ang  tinutukoy sa integrasyong interdisiplinaryo: Una, ang paguugnay ng paksang tinatalakay sa iba pang mga asignatura. Halimbawa, ang paksang global warming na tinatalakay sa asignaturang Earth Science, maaaring iugnay dito ang pagtalakay ng paksang likas na pinagkukunang yaman sa Araling Panlipunan. Maaaring pagusapan ang epekto nito sa kalusugan na bahagi ng Health Education at pagtalakay sa pananagutang panlipunan na pinaguusapan sa Edukasyon sa pagpapakatao at iba pa. Pangalawang estratehiya ay ang pagtalakay ng isang paksa sa perspektibo ng ibang disiplina. Hlimbawa nito ay ang Mercy killing na tinatalakay sa Edukasyon sa pagpapakatao. Maaari mo itong talakayin sa perspektibo ng sosyolohiya partikular na sa usaping katangian ng pamilyang Pilipino. Maaari din itong pagusapan sa pananaw ng agham at Health Education kung saan papasok ang kaalaman sa Anatomy and Physiology. Maaari ding ipasok sa usaping ito ang paksang Impending Death sa Pilosopiya at ang katuruan at aral ng Relihiyon. Maaari din namang gamiting magkasama ang dalawang estratehiya ang paguugnay sa ibang disiplina at ang pagsusuri ng paksa sa perspektibo ng ibang disiplina. Halimbawa sa paksang Patakarang Piskal at Pagbubuwis sa Ekonomiks, maaari mong gamiting pagganyak ang mga talumpati ng mga pamosong  tao sa larangan ng ekonomiya at politika na may kaugnayan sa paksang ito. Gagamitin mo ang  Matematika sa pagkokompyut ng mga buwis. Tatalakayin mo din ang gampanin ng ibat- ibang sangay ng pamahalaan sa usaping ito na siya namang itinuturo sa pagaaral ng Politika at Gobernansya. Maaaring gamiting integrasyon ng pagpapahalaga ang pagtalakay sa pagiging responsableng mamamayan, tamang pagbabayad ng buwis at tamang paggamit ng kaban ng bayan ng mga namumuno sa bansa at marami pang paksa na mula sa ibat- ibang disiplina ang maaari mong iugnay dito.

Bakit ba mahalagang isagawa ang integrasyong interdisiplinaryo? Ang mga popular na awtor at dalubhasa sa larangan ng edukasyon na sina: Kavaloski 1979,Newell 1990,Field et.al 1994 at Vess 2009 ay tinukoy ang mga katangi-tanging kapakinabangan ng interdisiplinaryong pagkatuto at ito ay ang mga sumusunod:

  1. Nakikita ang pagkiling o bias sa mga akda.
  2. Nahuhubog ang kritikal na pag-iisip ng mamamayan.
  3. Nabibigyan ng pagkakataong malinaw ang mga paksang di malinaw ang kahulugan.
  4. Nabibigyang pansin ang mga etikal na usapin.

Kung tutuusin maaari ding mas mahubog dito ang multiple intelligences na pinakilala ni Howard Gardner. Kung isasagawa ang integrasyong interdisiplinaryo, bawat mag-aaral ay mabibigyan ng pagkakataong makibahagi sa talakayan at sa proseso ng pagkatuto lalo pa kung ang paksa ay maiuugnay sa kanyang angking galing o karunungan.

Ayon naman kay Fink 2003, ang integrasyong interdisiplinaryo ay maaring makapagbigay ng mahalagang pagkatuto (significant learning). Kung ang guro ay magbabahagi sa mag-aaral ng ibat-ibang kakayahan at pananaw sa prosesong edukasyunal at ito ay makikita ng mag-aaral na makabuluhan at mahalaga para sa kanya, ito ay magsisilbing daan para ang mag-aaral ay makilahok sa proseso ng pagkatuto at dahil dito siya ay mas matututo.

Kung tutuusin ang konseptong ito ay di na bago para sa atin, bagamat ang naging gamit na gamit sa atin ay ang integrasyon ng pagpapahalaga o values. Sa pagpapakilala ng Understanding By Design (UBD) nina Jay Mc Tighe at Grant Wiggins 1998, binigyang diin na ang konseptong ito. Nilayon ng pedagohiyang ito na bigyan ng pangmatagalang pang-unawa o Enduring understanding at karunungang magagamit sa tunay na buhay ang mga magaaral. Sa puntong ito magagamit ang pag-uugnay ng isang paksa sa iba pang mga disiplina o sangay ng kaalaman. Ito rin ang layon at disenyo ng programang K-12. Kung kaya nga’t kung hihimayin ang disenyo ng pangaraw-araw na banghay ng aralin o Daily Lesson Plan batay sa Dep Ed order # 42,s. 2016 na may pamagat na  Ang Paghahanda ng Pangaraw-araw na Banghay ng Aralin ,masasabi nating maaring pumasok ang integrasyong interdisiplinaryo sa bahagi ng Pamamaraan, Pagpapatatag ng tunguhin ng aralin. Motibasyon pa lamang ay maari na tayong gumamit ng kaisipan ng ibang disiplina upang ipakilala ang ating paksa. Gayundin sa  Presentasyon ng halimbawa o pangyayaring may kaugnayan sa paksa at sa Paglalapat o praktikal na aplikasyon ng paksa sa pangaraw-araw na buhay o sa hinaharap. Bagamat para sa taong ito an gating giangamit bilang banghay ng ating aralin ay ang WHLP o Weekly Home Learning Plan maipapakita pa rin natin kung paano natin maisasagawa ang integrasyong interdisiplinaryo sa bahagi ng gawaibng pampagkatuto.

Sa panahon ngayon,isang napakalaking hamon sa ating mga guro kung paano nating ipauunawa sa mga mag-aaral  ang saysay at gamit ng bawat paksang ating itinuturo?kung paano nating pupukawin ang kanilang atensyon at hihimuking ituon ang kanilang interes sa ating mga asignatura? Paano natin maipababatid sa kanila na ang bawat leksyon na ating itinuturo ay magsisilbi nilang sandata sa mundong kanilang ginagalawan? Kung kaya’t dapat bigyang pansin nating mga guro ang pagtuturo sa ating mga mag-aaral ng mga bagay na napapakinabangan at nagagamit nila sa kanilang pangaraw-araw na pamumuhay, karunungang hindi lamang nakakulong sa isang kahon kundi nauugnay sa iba pang larangan. Bigyan natin sila ng kaalamang magagamit nila sa mundo kung saan sila nabubuhay at totoong napapanahon sa pagtuklas ng ibayong kaalaman ngayon, bukas at sa hinaharap.